Huwebes, Hunyo 11, 2009

Maligayang Ika-Sandaan at Labing-isang Araw ng Kalayaan!

Sa harap ng samu-saring hamon na kinakaharap ng sambayanang Pilipino, nakakatuwang isipin na nananalaytay pa rin sa diwa at puso ng bawat isa ang pagmamalaki sa kahalagahan ng pagdeklara ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa kamay ng mga mananakop na dayuhang Kastila.

Ang pagdiriwang na pinangunahan ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo mula sa Koronadal, Rehiyon 12, ni Sec. Lito Atienza sa Rizal Park, at Sen. Ramon Revilla, Jr. sa Kawit Cavite kasabay nang paglulunsad ng Boto Mo, Ipatrol Mo: Ako ang Simula ng ABS-CBN, ay nagpapakita hindi lamang ng paggunita sa isang makasaysayang kaganapan kundi pati na rin ng masidhing pagnanasa ng bawat Pilipino na maging malaya mula kahirapan at korapsyon.

Ngunit gaano ba natin pinaninindigan ang pagpapahalaga sa araw na ito? Sapat ba ang pagpapamudmod ng pangulo ng mga employment at scholarship certificates sa Koronadal upang makita ang kanyang sinseridad na tuluyang makalaya ang mga Pilipino sa kahirapan?

Kasabay ng pagwagayway ng mga watawat sa bawat pampubliko at pribadong establisiemento, masasabi rin ba natin na patuloy na umaalab ang ating mga damdamin sa pagbantay sa kasarinlan ng bansa laban sa makasariling ambisyon ng iilan nating mga mambabatas na tumutulak ng ConAss upang ‘mapaunlad di umano’ ang ating bayan?

Iilan ba sa atin ang kayang manindigan laban sa HR 1109, isang Trojan Horse na isinusulong ng may 170 nating mambabatas, na nagbabadya ng panggagahasa sa demokrasya ng ating bansa?

Totoo na naging malaya ang ating bansa sa kamay ng mga palalong Kastila noong 1898 [at tuluyan, sa kamay ng mga Amerikano noong 1946], subalit hindi yata’t patuloy pa rin nating itinataguyod ito… hindi lamang laban sa kamay ng banyagang patuloy na isinusulong ang neokolonyalismo, kundi sa kamay ng kapwa Pilipinong nananaig ang diwang maka-sarili.

Nang may pagpupunyagi, sabay-sabay nating ipagdiwang ang ika-111 na Kalayaan ng Pilipinas habang nananatili tayong mapagmatyag at matatag laban sa mga suliraning kinakaharap natin bilang isang bayan!

Mabuhay ang Pilipinas!

sundan ang blog sa TEN Facebook Wall

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento